Darating na ang RapidRide sa timog Seattle sa 2032!
Ang blog post na ito ay mababasa rin sa mga sumusunod na wika:
Ito ang magiging unang RapidRide line na mag-o-operate sa timog Seattle at maghahatid ng madalas na serbisyo sa isa sa mga pinakaabalang koridor ng bus sa King County habang ikinokonekta ang transit sa Link light rail 1 line sa Rainier Valley. Ia-upgrade ng RapidRide R Line ang kasalukuyang Route 7 na nagseserbisyo sa mga kapitbahayan mula sa Downtown Seattle, Chinatown-International District (kabilang na ang Little Saigon), Mount Baker, Columbia City, Hillman City, Brighton, Dunlap, Rainier Valley at Rainier Beach.
Pangkalahatang-ideya ng proyekto
Ang Route 7 ay isa sa mga pinakaabalang ruta ng Metro, na nagseserbisyo sa mahigit 11,000 tao araw-araw. Nakaiskedyul na magsimula ang serbisyo sa 2032 ng RapidRide R Line na layong mapabuti ang oras ng pagbiyahe sa transportasyon, ang pagiging maaasahan nito, at ang karanasan ng mga sumasakay sa pamamagitan ng mga sumusunod na pag-upgrade sa ruta:
- Mga upgraded na estasyon at silungan sa transportasyon
- Mas magagandang pailaw at amenidad para sa mga pasahero
- Mga lane na para lang sa mga bus
- Mga pag-upgrade ng signal upang mabawasan ang mga pagkaantala
- Mas ligtas na access sa transportasyon para sa mga taong naglalakad
Magpapatuloy ang pagpaplano para sa RapidRide R Line
Isinusulong na ng Metro ang RapidRide R Line matapos maihinto ang pagdisenyo rito dahil sa mga hamon sa pagpopondo na dulot ng pandemya ng COVID-19. Habang nakahinto ang proyekto, nagpatuloy pa ring lumago at magbago ang koridor. Ang Seattle Department of Transportation (SDOT, Kagawaran ng Transportasyon ng Seattle) at ang Washington State Department of Transportation (WSDOT, Kagawaran ng Transportasyon ng Estado ng Washington) ay nagsagawa ng mga pagpapabuti sa mga kalye, bangketa, at interseksiyon, at may mga bagong bahay at negosyo na naitayo sa kahabaan ng ruta.
Upang maihanda ang proyekto sa pagpapatuloy nito sa hinaharap, sinuri ng Metro ang mga pagbabagong ito at ina-update nito ang disenyo ng RapidRide R Line upang maipakita ang mga kasalukuyang kondisyon. Nakatutulong ang trabahong ito upang maipagpatuloy pa ang mga kamakailang pamumuhunan, hindi madoble ang mga natapos nang pagpapabuti, at matiyak na handa ang proyekto para sa susunod na yugto ng pagdisenyo.
Dumalo sa open house
Alamin ang tungkol sa proyekto ng RapidRide R Line, magtanong at ibahagi ang inyong feedback sa paparating na open house.
In-person
- Miyerkoles, Agosto 12 sa Rainer Beach Library mula 5pm hanggang 7pm
- Huwebes, Agosto 13 sa Beacon Hill Library mula 5:30pm hanggang 7:30pm
Virtual
- Miyerkoles, Agosto 19 mula tanghali hanggang 1pm (Zoom meeting ID: 851 2156 4685)
- Sabado, Agosto 22 mula 11am hanggang tanghali (Zoom meeting ID: 823 7413 2513)
Pakikipag-ugnayan sa Komunidad
Bago ihinto ang proyekto, sa pagitan ng Hunyo 2019 at Marso 2020, nakipag-ugnayan ang Metro sa mga komunidad sa kahabaan ng panukalang RapidRide R Line.
Pinagtuonan sa Unang Yugto ang pakikipag-ugnayan sa mga residente ng Rainier Valley, pagpapakilala sa proyekto, at pangangalap ng input tungkol sa mga pangangailangan sa transportasyon.
Kasama naman sa Ikalawang Yugto ang pagbabahagi ng mga panukalang lokasyon ng estasyon, pangangalap ng feedback, at intensiyonal at ingklusibong outreach na kinabilangan ng mga briefing, walking tour o paglilibot, in person at online na open house sa maraming wika, outreach sa mga kaganapan sa komunidad at himpilan ng bus, at mga pakikipag-usap sa mga grupo sa komunidad, operator ng Route 7, at mga halal na opisyal. Ang feedback mula sa komunidad tungkol sa mga lokasyon ng estasyon, pagpapabuti ng access, at upgrade sa kalsada ay direktang nakatulong upang mabuo at mapaganda pa ang piniling konsepto.
Sa ikatlong yugto ng pakikipag-ugnayan, nagbahagi ang Metro ng impormasyon tungkol sa panghuling piniling konsepto. Kasama na roon ang mga lokasyon ng estasyon, panukalang tampok, proyektong nagpapabilis at ginagawang mas maaasahan ang mga bus, at proyektong nagpapadali at ginagawang mas ligtas ang pagsakay sa bus.
Ngayong nasimulan na ulit ng Metro ang trabaho nito, ipagpapatuloy na ng proyekto ang panghuli nitong yugto ng pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng muling pagpapakilala sa panukalang trabaho at pakikipag-ugnayan sa mga miyembro ng komunidad. Ang mga aktibidad ng outreach ay kabibilangan ng outreach sa iba’t ibang kapitbahayan, pakikipag-ugnayan sa mga may-ari ng ari-arian, pag-host ng virtual at in-person na Open House, pag-update sa website, at pagbibigay ng mga briefing kapag hiniling. Magaganap ang yugtong ito ng pakikipag-ugnayan mula sa unang araw hanggang ika-31 ng Agosto.
Mga FAQ
- Gaano kahaba ang RapidRide R Line?
Ang R Line sa hinaharap ay may habang humigit-kumulang walong milya sa pagitan ng Downtown Seattle at Rainier Beach sa kahabaan ng Rainier Avenue S. Dumaraan ang koridor ng tranportasyon sa maraming kapitbahayan at nag-aalok ito ng mga koneksiyon papunta at paalis sa mga kabahayan, trabaho, paaralan, serbisyo publiko, at transportasyon. Ang Rainier Avenue S ay hindi lang nakatalagang ruta para sa freight na nangangailangan ng mas malawak na lane upang mapagserbisyuhan ng mga trak ang mga lokal na negosyo, dito rin naitala ang pinakamalaking bilang ng banggaan sa lahat ng koridor sa Seattle. Ang mga panukalang pagbabago sa R Line ay hindi lang magpapabuti sa pagiging maaasahan at oras ng pagbiyahe sa transportasyon, pero lilikha rin ang mga ito ng mas ligtas na lugar para sa lahat ng gumagamit sa bahaging iyon. - Makikipag-ugnayan ba ang King County Metro sa mga may-ari ng ari-arian?
Kung may matutukoy na mga ari-ariang maaapektuhan, kokontakin ng pangkat para sa proyekto ang may-ari ng ari-arian. Kung hindi kokontakin ang mga may-ari ng ari-arian, ibig sabihin, walang nakaplanong epekto sa ari-arian. Anuman ang antas ng epekto, ang lahat ng may-ari ng ari-arian sa kahabaan ng ruta ay patuloy na makatatanggap ng mga pag-abiso tungkol sa proyekto sa buong siklo ng proyekto. - Ano ang mangyayari sa Prentice Loop?
Ang RapidRide R Line ay nakaplanong magwakas sa estasyon ng Rainier Beach Link, at gumagawa ang Metro ng ebalwasyon kung paano magpapatuloy ang serbisyo ng transportasyon upang maikonekta ang mga taong bumibiyahe papunta at paalis sa mga lugar sa timog ng S Henderson Street kapag nagsimula na ang serbisyo ng R Line. Bilang bahagi ng trabahong ito, makikipag-ugnayan ang Metro sa mga komunidad sa timog ng S Henderson Street upang maunawaan nang mas mabuti ang kanilang mga pangangailangan sa mobility o paggalaw at makatulong na mabigyan ng batayan ang mga pagpapasya sa serbisyo ng transportasyon sa hinaharap. Ang layunin ay upang tiyaking mananatiling accessible, maaasahan, at madaling maunawaan ang serbisyo ng transportasyon. - Saan ko puwedeng malaman pa ang tungkol sa diskarte sa pangangalaga at presensiya ng Metro?
Ang diskarte sa Care and Presence (Pangangalaga at Presensiya) ng Metro ay nakatuon sa paglikha ng mas malinis, mas ligtas, at mas magiliw na sistema ng transportasyon. Alamin kung paano pinabubuti ng Metro ang kalinisan, dinaragdagan ang presensiya ng mga kawani, sinusuportahan ang mga sumasakay, nagtatakda ng malilinaw na dapat asahan, at nagbibigay ng pangkaligtasang tips para sa pagsakay sa bus, paggamit ng wheelchair o mobility aid, at pagbiyahe sa pamamagitan ng bisikleta. Bisitahin ang webpage para sa Kaligtasan ng mga Sumasakay ng Metro upang alamin pa ang tungkol dito.


